Sunday, June 17, 2018

Pamamaalam ni Archbishop Soc Villegas kay Fr. Richmond Nilo

(Sipi mula sa blog ni Jover Laurio aka PAB)
 
Larawan mula sa Concept News Central
Mahal kong Father Richmond,

Paalam. Salamat. Maligayang bati!

Simula ng barilin ka nila hanggang ngayon ay hindi na tumigil ang ulan. Kulimlim ang langit tulad ng puso naming kulimlim din. Natigatig kaming lahat na Karlista mong kapatid sa text message “Bro binaril si Richmond”.

Sinong Richmond? Hindi puwedeng ikaw! Hindi ikaw yon! Pero si Bishop Elmer ang tumiyak sa akin na ikaw nga. Umiyak ako nang lihim habang hawak ang breviary para sa evening prayer. Hindi ko maituloy ang dasal dahil hindi ako makabasa dahil sa luha. Bakit? Ano ba ng kasalanan at kailangang patayin?

Wala kaming magagawa. Naawa kami habang nakatingin sa picture mong duguan sa Facebook. Katay ang tawag sa ginawa sa iyo hindi pagpatay. Hindi para sa tao. Hindi para sa pari. Hindi para kahit kanino. Sana makaharap ko ang bumaril sa iyo. Hindi ko sila sasaktan. Gusto ko lamang tanungin sila “Bakit?” Baka makatulong silang maunawaan namin ang pagkatay nila sa iyo. Baka sakali. Naghahanap ako ng paliwanag.

Hindi higanti ang hinihingi ng Karlista kundi katarungan. Hindi na kami umaasa ng katarungan galing sa may kapangyarihan. Baka nga gawan ka pa nila ng kuwento at tsismis. Pero tiyak ko Richmond, hindi natutulog ang Diyos. Alam niya ang lahat. Mula sa Diyos may tunay na katotohanan, totoong katarungan at walang hanggang gantimpala sa mga alagad na tulad mo.

Salamat sa paninindigan. Salamat sa katapatan. Salamat sa pagiging Karlistang matapang!

Nakakainggit ka Father Richmond. Biniyayaan ka ng Panginoon na diligin ang altar ng kapilya sa Mayamot ng iyong dugo! Ang laking biyaya! Inihalo ni Jesus ang kanyang Dugo sa iyong sariwang dugo. Ang galing di ba, Richmond! Dugo mo tinanggap ni Jesus at inihalo sa kanyang Dugo! Hindi lahat ng pari may ganyang kagandang kamatayan.

Noon pa mang seminarista ka, alam ko na “iba ka”. May malaking plano ang Diyos sa iyo.

Ito pala yon. Hindi ko sukat akalain.

Ang huling hininga mo ay sa loob ng simbahan! Ang huling hininga mo ay isang dipa lang galing sa altar. Ang huling hininga mo ay pagkatapos butasin ang tarpaulin ng Papuri sa Diyos.

Ang huling hininga mo may halo pa ng hininga ni Jesus na tinanggap mo galing sa kabilang barangay chapel. May kamatayan pa bang gaganda pa kaysa sa ibinigay sa iyo? Congratulations Father Richmond! Natapos ang maikli mong buhay kung paano ka nabuhay…laging tapat sa Diyos, laging laan para sa taumbayan, masayang nagbibiro hanggang sa huli…

Father Richmond, paalam mabunying Karlista! Salamat, masipag na Karlistang lingkod. Maligayang pagbalik sa bahay ng Ama.

Ipagdasal mo kami. Huwag mo kaming kalilimutan.

Ikumusta mo ako kay Cardinal Sin. Mahal ko kayong dalawa.

Mahigpit at mainit na yakap,

Father Soc

No comments: