Ang Iglesia sa Roma na binabati ng lahat ng mga iglesia ni Cristo (Roma 16:16) |
Sa lahat ng mambabasa sa bawat panig ng Pilipinas at maging ng daigdig. Ako po ay dating kasapi ng Iglesia ni Cristo® na alam ko na po ngayon na hindi ang tunay na iglesia ito. Nabasa ko rin po ang Testimonyang ginawa ng dating Katoliko sa forum na ito. Ang masasabi ko lang po ay magresearch kayong mabuti.
Sa pinanggalingan ko hindi biro ang lumisan, talagang pahihirapan ka. Nagsasabi kasi silang hanggang kamatayan daw ang kanilang pananampalataya, hindi naman pala ganun ang sitwasyon dahil wala sa kanilang history ang tunay at handang mamatay sa pananampalataya. Puro pagkagalit at pagkayamot lang sa ibang relihiyon ang pangaral kasi nila at naghahanap ako ng tunay na aral. May mga katotohanan din naman kaming paniniwala dati kagaya ng si Cristo raw ay ang nagtatag ng Iglesia niya at ang muling pagkabuhay ng mga namatay.
Umalis po ako sa Iglesia ni Cristo® dahil sa mga maliliit pandududa ko dito at hindi ko po ito binaliwala lang. Sa banding kalagitnaan ng aking pananaliksik, nalaman kong hindi po maliit na bagay ito kundi malaki dahil hindi ito nangyayari sa ibang relihiyon. Marami po ang nagalit sa akin at hindi biro ang aking pinagdaanan. Kung ang mga karamihang nasa ibang relihiyon kagaya ng mga katoliko ay lumipat sila sa relihiyong INC™, ako po ay INC™ na lumipat sa Iglesia Katolika. Mahirap ang proseso at ako ay sinwerte lang! Marami rin namang ibang lumilipat sa Katoliko ngunit tahimik lang sila kagaya ko. Papaliwanag ko kung paano ito nagsimula.
Dahil sa Libro ng Ketekismo ako lumipat ng Iglesia! (Narito ang mga ONLINE copies)
Ako po ay pinananganak na “Iglesia®”- ang tawag namin sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo® na tinatag po ng aming kapatid na si Felix Manalo. Ang aking mga magulang ay walang mintis sa pagpunta sa mga kapilya at aktibong myembro sila ng Iglesia®. Mahal na mahal ko ang aking pananampalataya at matatag ang loob kong sinusunod ang ano mang nakasulat sa Biblia na tinutukoy tuwing kami ay sumasamba.
Hindi naman po ako isang intelektwal kagaya ng iba kong kapatid sa aking pinanggalingan pero naiintindihan ko ang tama at mali. Hindi ko rin gusto ang ginagawa nila Sorianong pambabatikos sa mga “Iglesia®” maski ngayon pa. Sa ngayon, hindi ko na rin gusto ang mga ginagawa ng mga dati kong ka-iglesia sa telebisyon. Hindi ko kasi tinatago ang masalimoot na pakiramdam tuwing batikos ng batikos ang mga nasa TV kagaya nila ka Paul, ka Michael at ka Bularan.
Mga Pitong taon na ang nakalipas ng sumama ako sa pagt*tipon na inorgisa ng isa naming kaibigang Ministro ngunit di ako lumipat agad. Hawak po niya ang Libro ng Katekismo ng mga Katoliko. Binasa niya ang pinagmulan ng Iglesia na nakasaad doon, na tumutukoy na si Kristo ang nagtatag ng Iglesia, kaya raw po pati ang mga katoliko naniniwalang ang pangalan ng Iglesia ni Cristo ay “Iglesia ni Cristo”.
Nung hinihiram ko po ito sa kaniya, nagalit siya at hindi niya ito pinahiram sa akin. Mali raw ang alamin ko ang pananampalataya ng iba. Aalamin ko lang naman di ba? Kung talagang mali sila, eh di dito talaga ako, mas t*tibay pa ang pagiging-“iglesia” ko. Pero ayaw nila, bakit kaya? Naniniwala po kasi ako na ang taong tunay na sumasampalataya ay hindi ginagapos sa isang lugar at kung ano ang ididikta sa kanya, yun ang kanyang paniniwalaan.
Gumawa po ako ng isang research para sa aking sarili. Hindi ko po ito pinaalam sa aking mga magulang. Nakilala ko po ang isang “Mr. Dayag” na isang katoliko. Sinabi niya sa akin na ang pagkakaalam ko sa Simbahang katoliko, sa katunayan pati ang mga ordinaryong katoliko rin, ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas ay parang “tip of the iceberg”. Yan daw ang problema kahit sa mga ordinaryong katoliko. Di ba ho ang dulo ng iceberg sa tubig parang maliit lang, pero sa ilalim pala ay napakalaking bloke ng yelo, halos kasing laki na pala ng isang continent. Ganito po niya ipinaliwanag sa akin.
Siyempre panay ang kontra ko sa kaniya. Pinakita ko sa kanila ang mga nasa aking listahang mga Bible Verses, ang mga patungkol sa sumasamba sa kahoy ang mga tao, ang Cristo ay taong tunay at marami pang iba. Sinagot niya lahat ito at sabi niya sa akin bumili ako ng Cathecism of the Catholic Church na libro matapos niyang ipahiram ang sa kanya. Siyempre ayaw kong bumili dahil ayaw kong kumita ang kalaban ng aming iglesia.
Sinabi sa akin ng taong ito na hindi raw sila ganun, di raw nila kami tinuturing na kalaban. Nagulat po ako sa sinabi niya dahil iba pala ang tingin nila sa amin talagang napakafriendly niya. Ang pag-gunita raw sa mga nagawa ng mga Santo at ni Kristo ang dahilan kung bakit may mga images, kagaya lang raw ito ng rebulto ni Rizal na taon taong nilalagyan ng bulaklak.
Marami lang berso sa Bibliya ang patungkol sa pagkatao ni Jesus dahil tunay na tao rin naman siya. Unique raw kasi si Kristo. Si Jesus daw ay taong tunay na Diyos sapagkat tama ang mga Apostol niya na nabubuhay ngayon, at sabi nila si Jesus ay Diyos na nagkatawang tao upang magpakumbaba. Nalito ako sa kanila dahil kagaya ng parati nilang pangaral sa amin tuwing ako ay sumasamba, ang paniniwalang Katoliko ay Tatlo ang Diyos. Kasinungalingan pala ang lahat ng ito. Ang Diyos ng mga Katoliko ay iisa lang sa tatlong persona kagaya ng paniniwala ng mga naunang Kristyano sapagkat sila ang tunay na nakakaintindi ng mga nakasaad sa Bibliya.
Doon pa lang lumilinaw na sa akin na ang Iglesiang® kinaaaniban ko ay kaya palang magsinungaling sa akin. Si Jesus lang ang nakakakilala sa Ama at ang Ama lang ang nakakakilala kay Jesus dahil isa lang sila.
Marami kasi akong binabasa tungkol sa History, hindi naman siguro ito ituturo sa iskwela kung walang kabuluhan ito. Mga tunay na pangyayari sa mga Griego at mga Romano bago pa lang isilang si Cristo. Ang Biblia ay isa sa mga halimbawa ng mala History na Libro. Siguro naman may nakasulat na mga nangyari sa Iglesiang itinatag ni Cristo kung paano ito natupok na parang apoy, ngunit iba ang aking mga nabasa. Ang mga sinaunang Kristyano pala ay matatapang at handang ibigay ang buhay alang alang sa pananampalataya.
Nabasa ko ang patungkol kina San Pedro at ang mga sumunod sa kanila. Sa umpisa natatakot ang mga Kristyano ngunit sa bandang huli, naging matatag sila dahil totoo ang sinabi ni Hesus na may buhay pagkatapos.
Hindi pala pwedeng magtatag si Felix Manalo ng bagong Iglesia® dahil hindi naman natupok na parang apoy ang iglesiang itinatag ni Kristo. May mga nakatala tungkol sa giyera at iba pa. Ang Simbahang Katoliko lang ang may straight na pinanggalingan sa kasaysayan ng Iglesiang itinatag ni Kristo. Mahalaga raw kasi ang Kasaysayan, kagaya ng bansang amerika, ibang iba pa noong nagsisimula pa lang sina George Washington kumpara kay George Bush pero pareho silang leader ng mga Amerikano at America pa rin ang America.
Binasa ko ng binasa ang librong Cathecism of the Catholic Church kaya ko naintindihan pa lalo ang mga nakasulat sa Bibliya. Doon ko nalaman na ginaya lang pala namin ang ibang mga sinabi ng sinaunang Kristyano na taong wala sa bibliya. Tumingin rin ako sa ibang Relihiyon pero ang puso ko talagang nakuha na ng pananampalatayang Katoliko. Pinaliwanag kasi sa Libro kung paano naging Roman Catholic Church ang pangalan ng Iglesia.
Parang tip of the iceberg rin ang pangalang ito, mas malaki pa ang hindi ko nakikita dati. Dati sa pangalan pa lang ng Katolikang Simbahan natatapos na ang argumento sa akin. Hinukay ko pa ng malalim ang katotohanan. Hindi na ako bulag ngayon. Ang ilaw ay si Kristo, ang puso ang aking pinakinggan.
Sa pinanggalingan ko nag-aaway sila kapag may pinagtatalunan sa Bibliya, sa mga Katoliko, pinapasa-experto na lang nila ang mga bagay na masyadong komplikado para sa ordinaryong kristyano. Nagulat rin ako dahil ang tinuturo pala sa Misa ng mga Katoliko ay pagiging mapagpakumbaba katulad ni Kristo at pagmamahal sa kapwa. Ginugunita nila ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo. Ang Sentro ng pananampalataya ng mga Katoliko ay ang pagkabuhay ni Kristo at ito ay purely SPIRITUAL! Sa pinanggalingan ko kasi puro inggit at galit parati ang kanilang emosyon.
Sa buong pitong taon po wala akong narinig na maanghang na salita mula sa kanila laban sa mga Iglesia ni Cristo® (ni Manalo). Naging mas mapagmahal na ako at mas maunawain sa ngayon. Nakilala ko rin ang ibang mga “iglesia” na “Church of Christ” ang gamit na pangalan, ginaya lang pala ito ni Ka Felix.
Sa mga Katoliko hindi nila tinuturo na kapag hindi ka katoliko hindi ka maliligtas. Ang Diyos na tunay na mabuti ay ililigtas niya ang lahat ng mabuti. Kung ako nga ay tao lang, kung may makikita akong nalulunod na Muslim o Atheist ililigtas ko pa rin siya ano pa kaya si Kristo na Diyos na nagkatawang tao para iligtas ang buong sangkatauhan? Ang kaligtasan po ay para sa lahat, kailangan lang nating magbalik loob kay Kristo at gumawa ng tama.
Ang pinanggalingan ko kasi dapat kinakabisado mo ang Bibliya, paano na ang mga matatandang madaling makalimot, hindi na ba sila maliligtas? Paano kung di ka marunong magbasa? Marami yatang mali. Itong kaibigan ko nga parang gusto ng sumama sa akin, dahil pinupuntahan pa raw siya sa bahay sa kalagitnaan ng kanilang pag-aaway ng misis niya para maningil.
Maganda naman raw ito dahil nahihiya ang misis niya kapag inaaway siya dahil may bisita pero kung maningil raw parang may utang ka sa kanila. Magalang naman ang mga dati kong kapatid na ito dahil kilala ko rin naman sila pero ngayon ko nakitang mali pala ang lahat ng ginagawa nilang ito.
Sa Iglesia Katolika pala, mararamdaman mo na tunay na Simbahan ito dahil nakakapagkumpisal ka sa pari at binibigyan ka ng pari ng advice kung paano mo aalisin ang iyong kasalanan. Tuwing kumpisalan nahihiya ako sa kanya kaya hindi na ako gumagawa ng mabigat na kasalanan. Effective ang kumpisalan. Sa una ayaw ko itong gawin dahil ang kilala kong pari ay kapitbahay namin at kalaro siya ng mga kamag-anak ko noong bata pa kami alam kong makulit siya. Siguro nagbago na siya pero pumili ako ng magaling na pari, yung maraming Knowledge sa pananampalatayang Katoliko. Lahat ng nat*tirang duda sa aking isipan ay inayos niya.
Sa una galit ang mga kaanak ko. Natuto talaga akong manindigan sa aking pananampalataya at tumayo sa sariling paa. Nagiisa na lang ako ngayon, kapag may problemang pinansyal walang tumutulong sa akin dahil ayaw na akong tulungan ng mga kaanak ko. Nagkakilala kasi ang aking magulang nang pakasalan ng Ama ko ang Ina ko. Nagtataka ako kung bakit ang Ama ko ang lumipat ng Relihiyon. Dati kasi siyang Katoliko at naging Iglesia ni Kristo® po siya dahil sa Ina ko. Ngayon aktibong aktibo na siya sa Iglesia®.
Alam kong sa pagiging katoliko niya, ginamit niya ang mapagpakumbabang kaugaliang tinuro sa kanila sa Simbahan kaya siya ang lumipat. Ang mga magulang ko hindi na nila ako sinasagot kapag kinakausap ko sila, ang mga kapatid ko ganun din. Gaya nga ng sabi ni Hesus, dahil sa kanya maghihiwalay ang mga magkamag-anak.
Kung may nagbabasang Iglesia ni Cristo® dito, ang masasabi ko lang, kung aalamin pa ninyo ang tunay na Simbahang Katolika at hindi mo ibabase ang iyong kaalaman sa “pinapakain” nila sa inyo, pipiliin mong umalis talaga sa Iglesia ni Cristo®. Dati kasi alam ko lang ang mga prusisyon prusisyon nila, mga santong kahoy at mga dasal ng dasal ng puro hiling lang. Hindi pala ganun ang tunay na Katoliko, marami pa sila sa iba’t ibang bansa at mas marami sa kanila ang mabuti. Marami silang librong nag-eexplain ng pananampalataya nila. Marami palang santo ang talagang kahanga hanga ang pananampalataya nila sa Diyos at kahanga hanga ang pamumuhay na ginawa nila sa mundo.
Nang nandito ako nalaman ko na lang rin na ang mga Katoliko pala ay nakikinig talaga sa mga programa sa Radyo at Net 25 tungkol sa pananampalatayang Iglesia Ni Cristo® pero sila ay hindi lumilipat, ako minsan lang ako nakinig at nag-pay-attention sa paniniwala nila, kahit puro kontra ang aking isipan, napaniwala nila ako.
Dati kasi akala ko sa Misa ng mga Katoliko ko makukuha ang mga kasagutan ko sa tanong ko, hindi pala. May mga Klase pala sa Cathecism at Bible Studies ang mga Katoliko. Sa dami dami ng mga eksperto sa Biblia sa kanila, latin man o griego pa ang sulat, bakit ako mas maniniwala sa sinasabi nila sa TV at mga ministro na galit na galit parati?
Isang dating miyembro ng choir sa amin ang huli kong nakausap at tinanong ako bakit daw ako umalis, sila raw ay naiyak ng umalis ako. Sabi ko sa kanya, gusto mo bang makinig talaga sa sasabihin ko o gusto mo ikaw lang ang papakinggan ko? Alam ko kasi ang istilo sa “Iglesia®”, hindi ka nila gustong makinig sa mga taga-labas dahil takot silang mabuko ang kamaliang nangyayari sa loob.
Nagpapasalamat ako kay Ginoong Dayag na sandali ko lang nakasama dahil sa kanya ako ay namulat sa katotohanan. Hindi ko man nalaman ang kanyang first name, malaki ang nagawa niyang pagbabago sa aking buhay. Nawala na ang mga bisyo ko at galit sa ibang taong may ibang relihiyon. Bumibili pa ako ngayon ng mas marami pang libro at patuloy kong dinadagdagan ang aking kaalaman sa Pananampalataya ko.
Dinaing ng Diyos Ama ang aking dasal na masumpungan ko nawa ang katotohanan, at nasumpungan ko nga! Hindi ko po sinasabing lumipat din kayo ng relihiyon, ang sa akin lang po ay sana pakinggan din ninyo ang kabilang panig sa kanilang sinasabi at dapat hindi po ito manggagaling sa mga ministro ninyo dahil minsan sadya nilang hindi ipapakita ng buo sa inyo. Rerespetuhin ko po ang desisyon ninyo. Godbless sa inyong lahat na nagbasa ng sulat kong ito.
Mabuhay ang Panginoong Jesus na tunay na Diyos! Mabuhay ang mahal na Birheng Maria! Mabuhay ang Katotohanan at sumainyo nawa ang Kapayapaan ni Jesus na ating Diyos. Amen.
5 comments:
Ave Maria Purissima ... 3x
Nice at ako'y nasiyahan sa mga pahayag mo at nawa isa pa ito sa daan na mapapunta ka sa tunay na relehiyon at nawa panalangin ko at ng aking kasamahan sa ating mga magulang at kapatid na masumpungan mu pa Sya'ng higit at makilala pa ng lubusan ... Sapagkat may mga lihim pang hindi nalalathala at may mga lihim na panukala pa na nagsasabing naririto na at nagbalik na ang Cristo at itinatatag na Niya ang Bahay na Bundok ng Panginoon,, tinatatakan ang bawat hinirang at ipinahahayag ang Kaniyang bagong pangalan ... Nawa kapatid ay masumpungan mo Siya sapagkat lahat tayo ay tinawag, ngunit iilan lang ang tutugon ,, kaya nawa ikaw ay maging isa sa Kaniyang hinirang ... Amen
We are almost the same situation but I came from INC to Bible Baptist Church and I'm also doing research about religion and denotation. Because like you I am curious about my salvation on how I am going to be save.
We are almost the same situation but I came from INC to Bible Baptist Church and I'm also doing research about religion and denotation. Because like you I am curious about my salvation on how I am going to be save.
We are almost the same situation but I came from INC to Bible Baptist Church and I'm also doing research about religion and denotation. Because like you I am curious about my salvation on how I am going to be save.
Aquilino, why Baptist? Why not the Catholic Church?
Post a Comment