[Mula sa Apolohetiko Blog]
Sa darating na Miyerkules, muli nating gugunitain ang Miyerkules ng Abo sa naiibang paraan, bilang pag-iingat sa banta ng pandemya ng COVID-19. Iminumungkahi ang pagbubudbod ng abo sa ulo, o di kaya'y ang pagpapahid pa rin ng abo sa noo sa pamamagitan ng bulak (na siyempre'y papalitan sa kada tao na papahiran). May mungkahi rin na bigyan ng maliit na supot ng nabasbasang abo ang mga maninimba, upang maiuwi nila ito at malagyan ang mga kapamilyang hindi makapagsisimba.1
Hindi nag-iisa ang Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng Miércoles de Ceniza. Isinasagawa rin ito ng mga sektang Anglikano, Luterano, Metodista, at ng iba pang mga grupong Protestante at independienteng Katoliko. Bagama't hindi ito ipinagdiriwang ng karamihan sa mga Simbahang Ortodoksa (ipinagdiriwang ito ng mga Ortodoksong kabilang sa Western Rite), hindi naman nila ito tinutuligsa, at kinikilala nila ito bilang isang lehitimong pamamaraan ng pagsisimula ng Kuwaresma.
May ilang mga anti-Katolikong tinututulan ang tradisyong ito dahil anila, taliwas daw ito sa diwa ng Sola Fide, at sa tunay na diwa ng pagsisisi na hindi dapat nakasalalay lang sa mga gawaing panlabas. Malimit nilang gamiting sipi sa Biblia ay ang Mateo 6:16, at tila ba hindi nila nababatid na bahagi ito ng mismong pagbasa ng Ebanghelyo tuwing Miércoles de Ceniza!
Dalawang bagay lang ang maipapayo ko sa mga anti-Katolikong ito:
- Bago ninyo tuligsain ang halos lahat ng gawain ng kabanalan sa Simbahang Katolika batay sa sukatan ng erehiya ng Sola Fide, tiyakin muna ninyong nabasa na ninyo ang sagot ng Council of Trent sa naturang erehiya (Council of Trent, Session VI), at pati na rin ang "Joint Declaration on the Doctrine of Justification" ng Lutheran World Federation at ng Simbahang Katolika. Nakasusuya ring makinig sa mga erehiyang paulit-ulit na ipinagsasangkalan, habang nagbibingi-bingian sa tugon ng Simbahan, at ng iba pang mga di-Katolikong bagama't hiwalay sa Simbahan ay marunong namang makipag-usap nang maayos upang lutasin ang mga pagkakaiba sa doktrina.
- Bago ninyo tuligsain ang Miércoles de Ceniza, tiyakin muna ninyong minsan na kayong nakadalo o nakapanood sa Misa na isinasagawa sa araw na ito, o di kaya'y nakapagbasa man lang ng isang missalette. Hindi nakasentro sa ritwal ng pagpapahid ng abo ang araw na ito, kundi sa makatotohanang pagsisisi at pagbabalik-loob. Hindi itinuturo ng Simbahan na "kailangan-sa-kaligtasan" ang paglalagay ng abo, o "sapat na" ang paglalagay ng abo para maging matuwid ka sa harap ng Diyos, o tuwing Kuwaresma lang tayo dapat magsisi sa ating mga kasalanan, o kung ano pa man. Oo, may mga Katolikong hindi pinahahalagahan ang araw na ito, at nagagawa pang ipagmalaki sa social media ang krus na abo sa mga noo nila, subalit malinaw naman na hindi sila kumakatawan sa tunay na diwa ng pagiging Katoliko.
Hinggil sa Mateo 6: 16-18, tunghayan natin:
"Kapag nagfa-fasting kayo, wag kayong magmukhang malungkot gaya ng mga pakitang-tao. Hindi sila nag-aayos ng itsura para makita ng mga tao na nagfa-fasting sila. Tandaan nyo, tinanggap na nila ang reward nila. Instead, pag nagfa-fasting ka, ayusin mo ang buhok mo at maghilamos ka para di mapansin ng mga tao na nagfa-fasting ka. Ang Ama mo lang, na hindi nakikita, ang makakaalam nun. Sya, na nakakakita ng ginagawa mo in secret, ang magri-reward sayo." (PVCE)
Una sa lahat, hindi naman tayo "nagmumukhang malungkot" tuwing Miércoles de Ceniza. Hindi naman tayo pinagbabawalang ngumiti, mag-ayos ng buhok, at maghilamos. Maaari mo ngang tanggalin na agad ang inilagay na abo sa iyo pagkatapos ng Misa, kung ibig mo. Hindi "pagluluksa" ang araw na ito kundi isang "pagdiriwang". Sabi nga ni Fr. Jboy Gonzales, SJ:
"May kakaibang saya ang Panahon ng Kuwaresma. Sa kabila ng mga pag-aayuno at pagsisisi, panatag ang ating kalooban. Alam nating mahal tayo ng Diyos at patatawarin niya tayo. Hindi tayo nagsasakripisyo sa wala; nag-aayuno tayo sa meron—may pinatutunguhan ang ating mga ginagawa para sa Diyos... Ang Diyos ay mapagpatawad, walang hanggan ang kabaitan at hindi kailan ma'y mabilis magalit. Pinapangako ng Maykapal ang kapatawaran at pagbabagong-buhay sa mga taong tunay ang pagsisisi. Sa Kuwaresma pinagdiriwang natin ang ganitong ugali ng Panginoon."
Pangalawa, hindi laban ang Panginoon sa mga panlabas na tanda ng pagsisisi:
"Kawawa kayong mga taga-Chorazin! Kawawa kayong mga taga-Bethsaida! Dahil kung sa Tyre at Sidon ginawa ang mga miracles na ginawa sa inyo, matagal na sanang nagsuot ng sako at naglagay ng abo ang mga tao dun bilang sign ng pagsisisi nila." (Matthew 11: 21 PVCE)
Hindi ba't ang binyag ay isang ring tanda ng pagsisisi (Mateo 3: 11)? Sa talinghaga ng Pariseo at ng Publikano (Lucas 18: 9-14), minasama ba ng Panginoon ang ginawa ng nagsisising publikano: "di man lang sya makatingin sa langit, sinusuntok ang dibdib" (PVCE)? Oo, masama ang pagpapakitang-tao, subalit kung nagtutugma naman ang kilos mo sa nilalaman ng puso mo at sa idinidikta ng Pananampalataya mo, walang masama sa pagsasagawa ng mga panlabas na tanda (CCC 1430).2 Kinalulugdan din Panginoon ang mga panlabas na tanda ng pagmamahal sa kanya, kung talagang sa puso mo'y minamahal mo siya: ikinalugod niya nang may babaeng binasa ng luha ang kanyang mga paa at pinunasan ito ng kanyang buhok, hinagkan, at binuhusan pa ng pabango (Lucas 7: 36-50). Sinaway ba niya ito at pinatahan, sinabihang "pakitang-tao" ang kanyang mga ginawa, at dapat ay mag-ayos ito ng buhok, maghilamos, at magmukhang masaya dahil pinatawad na siya sa mga kasalanan niya?
Ang paggamit ng abo bilang tanda ng pagsisisi sa kasalanan ay isang karaniwang paggawing Biblikal (Job 42: 6; Jonas 3; Jeremias 6: 25-26). Kung tutuligsain mo ito, ano namang iminumungkahi mong gawin ng tao bilang tanda ng kanilang pagsisisi (Santiago 4: 7-10)? Maraming katarantaduhang naiisip ang makabagong lipunan para ipakita ang "pagsisisi" nila: magpapapansin sa social media, maglalasing, magvi-videoke, magpapakapagod sa trabaho o sa mga gawaing-bahay, tutunganga sa TV o sa computer, magsusugal, susubok ng mga extreme sports, titikim ng droga, magpapakabusog sa mga pagkaing di mabuti sa katawan, maglalakad sa kalsada nang hubo't hubad, maglulustay ng pera, makikipagbalikan sa ex, at kung anu-ano pang mga sadyang pagpapariwara sa sarili. Tigilan natin ang mga ganyang kalokohan! Sa darating na Miyerkules, magsimba ka, magpalagay ka ng abo sa ulo, at pagnilayan ang mensahe ng araw na iyon: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya... Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas iyong babalikan."
- CBCP Episcopal Commission on Liturgy, "Notes on the Ash Wednesday Celebration: The Distribution of Ashes in the Time of Pandemic", 04 February 2021 [BUMALIK]
- "Jesus' call to conversion and penance, like that of the prophets before him, does not aim first at outward works, 'sackcloth and ashes,' fasting and mortification, but at the conversion of the heart, interior conversion. Without this, such penances remain sterile and false; however, interior conversion urges expression in visible signs, gestures and works of penance." (CCC 1430) [BUMALIK]
No comments:
Post a Comment