Saturday, April 7, 2018

ANO ANG IGLESIA NI CRISTO? ANG PAGBUBUNYAG NG KATOTOHANAN!

(Edited from Ang Pagbubunyag ng Katotohanan by INC™ )

Marami ang hindi lubos na nakababatid sa TUNAY na Iglesia ni Cristo na itinatag mismo ni Cristo at hindi ng taong mula sa Tipas, Taguig. Inaakala ng iba na ang tunay na Iglesia ni Cristo ay katulad lamang ng Iglesia Ni Cristo® na may ibang samahan ng pananampalataya o iba pang relihiyon.

Paano ipinakilala ng Panginoong Jesucristo ang tunay na Iglesia ni Cristo? Basahin natin sa Mateo 16:18 na ganito ang nakasulat,

"At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia (maliit na titik "i" at hindi malaking titik "I" tulad ng maling pagsipi ng mga INC™); at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya."

Ipinakilala ni Jesus na Siya ang nagtayo o nagtatag ng Kanyang iglesia. Siya rin ang nagmamay-ari nito-----ito ang diwa ng sinabi ni Cristo na "aking iglesia." Maling-mali ang paggamit ng Iglesia Ni Cristo™ na itinatag ni Felix Y. Manalo sapagkat HINDI si Cristo ang nagtatag nito kundi si Felix Y. Manalo. Ito rin ang dahilan kung bakit sila ay nagbibilang ng ika-104 na TAON NG PAGKAKATATAG sa 2018 sapagkat ang INC™ ay naitatag lamang noong Hulyo 1914 (basahin ang artikulong ito). Isa ring KAMALIAN na sabihin na ang iba't ibang sekta tulad ng INC™, Church of Christ (4th Watch), Church of Jesus Christ of the Latter-day Saints o Mormon, at iba pang mga "Church of Christ" na NAG-AANGKIN na sila raw ay mga tatag ni Cristo ay Kaniya.


Ipinakilala ni Apostol San Pablo na ang mga kaanib sa Iglesia ay pawang kay Cristo:

"At hindi pa ako nakikilala sa mukha ng mga iglesia ng Judea na pawang kay Cristo." (Gal. 1:22)

Tandaan, ang Iglesia Ni Cristo® ay naitatag lamang noong 1914 at wala pa sila sigurado noong panahon ni Apostol San Pablo at ni sa kalingkingan ay nakilala sila ng mga aspostol. Kaya't malabo na ang INC™ ni Ginoong Felix Manalo ang pinapatungkulan ni Apostol San Pablo. Ang tinutukoy ng Apostol ay ang Iglesia Katolika na "sa pasimula pa ay siyang (tunay na) Iglesia ni Cristo" ayon mismo sa PASUGO ng INC™! (Pasugo Abril 1966, p. 46)

Bakit natin natitiyak na ang tinutukoy ni Apostol Pablo na "pawang kay Cristo" ay mga kaanib lamang sa TUNAY na iglesiang Kanyang itinatag? Tunghayan natin ang pagkakasalin ng talatang ito sa New Pilipino Version na paborito ng mga INC™:

"Hindi pa ako kilalang personal sa mga iglesia ni Cristo sa Judea." (Gal 1:22)

Nilinaw sa saling ito ng Biblia na ang Iglesia na nasa Judea na pawang kay Cristo ay hindi tumutukoy sa iba't ibang pangkatin ng pananampalataya kundi sa mga kaanib lamang ng tunay na Iglesia ni Cristo - ang Iglesia Katolika. Sapagkat noong panahon ni Apostol San Pablo, WALA pang PAGPAPANGKAT-PANGKAT ng Iglesia. Wala pang Protestante, wala pang mga Mormons, wala pang mga INC™ ni Manalo. Makalipas lamang ng 1,500 taon ng pagkakatatag ng tunay na Iglesia nagkaroon ng PROTESTANTISMO na pinagmulan ng samahan ni Felix Manalo sa Pilipinas. Samakatuwid, ang parirala rito na "kay Cristo" ay tumutukoy sa mga kaanib sa TUNAY na Iglesia at hindi kung kani-kaninong "Iglesia Ni Cristo®" na tatag lamang ng taong ginutom ng tatlong araw.


Maraming huwad o pekeng tagapangaral ang nagtuturo na sapat nang sumampalataya lamang kay Cristo para maging Kaniya. Ito ay pinasiyaan ng mga Protestante noon 1517 umaklas si Martin Luther mula sa Iglesia Katolika. At bukambibig ng maraming naakit nila na sila ay sumasampalataya na raw kay Cristo. Subalit paano ba makikilala ang tunay na sumasampalataya sa Panginoong Jesucristo? Kapag ipinahayag ba ng isang tao na "Sumasampalataya ako kay Cristo" ay maibibilang na siya sa mga tunay na sumasampalataya? Ganito ang tugon ni Cristo:

"Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa. Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin." (Juan 10:26-27)

Ayon kay Cristo, ang tunay na sumasampalataya ay kabilang sa Kaniyang mga tupa. Sila ay ang mga kaanib na nasa TUNAY na Iglesia at hindi tatag ng taong nalipasan lamang ng gutom.  At ang kinikilala ni Cristo na kabilang sa Kaniyang mga tupa ay ang mga nakinig at sumunod sa Kaniya mula pa noong 33 A.D hanggang sa kasalukuyan. Ang hindi sumusunod kay Cristo, tulad ng mga pekeng mangangaral na TAO LAMANG daw si Cristo samantalang ANGHEL daw ang kanilang tagapagtatag, ay hindi maibibilang sa Kaniyang mga tupa at ang hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa ay hindi totoong sumasampalataya. Alin ang sinabi ni Jesus na dapat sundin ng tunay sumasampalataya upang mapabilang siya sa Kaniyang mga tupa? Sa Juan 10:7, 9 New English Bible, isinalin mula sa Ingles)

"Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus: 'Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. ... Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas'."


Ang sabi ni Jesus, Siya "ang pintuan ng mga tupa" at upang mapabilang sa Kaniyang mga tupa ay dapat pumasok sa kawan sa pamamagitan Niya. Ang kawan na dapat pasukan ng TUNAY na sumasampalataya ay ang TUNAY Iglesia ni Cristo - ang Iglesia Katolika "na sa pasimula ay siyang Iglesia ni Cristo" (Pasugo Abril 1966, p. 46) na tatag ng Bugtong na Anak - Diyos na tunay na  nagkatawang tao! (Gawa 20:28). Kaya ang tunay na sumasamapalataya ay ang nasa tunay na Iglesia ni Cristo, ang Iglesia Katolika!


Ayon kay Apostol Pedro, ang Iglesiang kay Cristo ay lahing hirang, bansang banal, at bayang pag-aaring sarili ng Diyos, sapagkat Diyos Anak ang mismong nagtatag nito!

"Datapuwa't kayo'y lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan." (I Ped. 2:9)

Bakit natin natitiyak na ang tinutukoy rito ni Apostol San Pedro, ang ating Unang Santo Papa, ay ang mga kaanib sa tunay na Iglesia? Sa unang talata (I Pedro 2:5), ang tinutukoy ay ang bahay na ukol sa espiritu, na walang iba kundi ang Katawan ni Cristo, ang Iglesia (I Tim 3:15). Ito ay aral na ibinigay sa kanya ng tagapagtatag - ang ating Panginoong Jesus.

"Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili sa inyo ang bunga: upang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maigigay niya sa inyo." (Juan 15:16)

Tiniyak ng Panginoong Jesucristo na ang tinutukoy Niya na Kaniyang hinirang at inihalal ay ang Kaniyang mga  alagad na sumusunod sa kanyang mga utos (Juan 15:1, 5). Kung itinutulad sa tao, ang katumbas ng puno ay ulo at ang mga sanga ay ang mga sangkap ng katawan. Si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang katawan (Col. 1:18). Malinaw kung gayon na ang tunay Iglesia ni Cristo ay, HINDI ang INC™ ni Felix Manalo kundi ang Iglesiang NAROON na simula pa noong UNANG SIGLO- ang lahing hirang at may kahalalan mula kay Cristo ay ang Iglesia Katolika.



Ano pa ang pagpapakilala ng Biblia sa tunay na Iglesiang tatag ni Cristo? (Gawa 20:28)

"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NG DIYOS na binili niya ng kaniyang dugo."

Ang Iglesia Ni Cristo® na tatag ni Felix Manalo sa Pilipinas noong 1914 ay binili ng ibang uri ng espiritu sapagkat para sa kanila ay TAONG-TAO lamang daw si Cristo. Ngunit para sa ating mga sumasampalataya sa TUNAY na Iglesia ang siyang binili o tinubos sa DUGO NG DIYOS na si CRISTO - ng Kaniyang sariling dugo. Ang aral na ito ng Biblia ay sinasalungat ng mga kaanib ng INC™ na paniniwalang nilang lahat na tinubos sila ng isang taong-tao lamang ang kalagayan. Dahil sa pagtubos na ginawa ni Cristo sa mga kaanib ng tunay na Iglesia ni Cristo, ang Iglesia Katolika, nalinis ang kanilang mga kasalanan at nagtamo sila ng karapatang maglingkod sa Diyos (Heb. 9:14)



Paano pinatunayan ng Biblia na ang Iglesiang ililigtas ni Cristo ay ang kanyang tatag na Iglesia? Simple lamang. Ang Kaniyang itinatag ang kanyang ililigtas at hindi kung kani-kaninong iglesia! Ganito ang pagpapatunay ng Biblia:

"Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito." (Efe. 5:23 MBB)

Mula pa noong Unang Siglo, ipinakikilala na ng tunay na Iglesia, ang Iglesia Katolika na ang ililigtas nito ay ang Kanyang Iglesia. Turo ng Santa Iglesia na ang Iglesia ay katawan ni Cristo sapagkat Siya ang ulo at Tagapagligtas nito. Pansinin na ang ililigtas ni Cristo ay ang Iglesia na Kaniyang pinangunguluhan. Ibig lamang sabihin ni Cristo ay ang mga KAANIB na NAGMAHAL, NAGTANGGOL at NANGARAL ng tungkol sa Kanya, simula pa noong 33 AD hanggang sa kasalukuyan! Ang katotohanang ito ay sinasalungat ng paniniwala ng iba tulad ng INC™ ni Manalo na maliligtas din daw sila dahil sa pangalan nilang "Iglesia Ni Cristo". Ano ang katuwiran nila samantalang halos lampas 100 taon lamang sila mula sa pagkakatatag nito? Ibig ba nilang sabihin eh, WALANG NALIGTAS mula pa noong 33 A.D. hanggang Hulyo 1914 bago pa man  naisipan ni Felix Manalo ang pagtataatag ng kanyang Iglesia na pinangalan lamang kay Cristo? At NAISAKATUPARAN lamang ang PAGLILIGTAS ni Cristo NOON LAMANG nagkaroon ng isang FELIX MANALO sa ibabaw ng mundong ito?


"At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya." (Roma 5:9, Ibid.)

Ang tao para maligtas ay kailangang matubos ni Cristo BILANG DIYOS ng Kaniyang dugo. Ang tunay na Iglesia ni Cristo, ang Iglesia Katolika ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang sariling dugo. Dahil sa bisa ng dugo ni Cristo bilang Diyos na nagkatawang-tao kaya't MAPANLIGTAS ang KANYANG SAKRIPISYO. Hindi na Niya kailangan ng Felix Manalo para maisakatuparan ang kanyang pagliligtas. HINDI maliligtas ang mga taong napaniwala ni Felix Manalo na siya ang anghel at si Cristo ay taong-tao lamang ang kalagayan?!

Note: Sa mga nais na magsuri sa aral ng tunay na Iglesia - ang Iglesia Katolika ay maaari po kayong kumausap sa mga Catholic Defenders o lumapit sa pinakamalapit na parokya sa inyong lugar. Hindi po mahirap hanapin ang Iglesia Katolika sapagkat ito po ay HINULAANG magiging BANTOG sa buong mundo!

"Sa lahat ng nasa ROMA, mga mahal ng Diyos, na tinatawag na maging BANAL; Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.  Una sa lahat ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo pakundangan sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay BANTOG sa BUONG DAIGDIG!" -Roma 1:7-8



No comments: