Saturday, February 22, 2014

Kuwentong Pagbabalik-loob ni Alfie J. Angeles - Dating ADD, lumipat sa INC® ngayo'y Katoliko na!

Seminarista Alfie J. Angeles

THE STORY OF ALFIE ANGELES
Catholic-turned-ADD-turned-INC. At home at last.
Story extracted from The Splendor of the Church Blog of Fr. Abe

“Life not spent in serving the Lord is a life lived in vain.”

Ako ay isinilang noong January 6, 1982 ng mag-asawang Domingo Mangalindan Angeles at Marina Rosco Jugal sa maliit na bayan ng Montalban, Rizal na tinatawag ngayong Rodriguez, Rizal. Nang makilala ng aking ama ang aking ina, ang aking ina ay mayroon nang dalawang anak sa una niyang asawa. Sila ay sina Michael at Marlon Ortazo. Nang una, ang aking mga magulang ay naninirahan sa bahay ng nanay ng aking ama sa Burgos, Rodriguez, Rizal, subalit dala ng pag-uusig noong una ng ilang kapatid ng aking ama ay nagpasya silang manirahan nang bukod sa isang bukid na sinasaka ng aking ama. Dito ay napatunayan ng aking ina na sa hirap man ay maaasahan ng aking ama ang pagtulong ng aking ina. Hindi naman naglaon ay natanggap ng mga kapatid ng aking ama ang aking ina. Ako ay naiwang kasama ng aking lola na si Teodora M. Angeles na kung saan doon ako lumaki at nagkaisip. Tuwing Sabado at bakasyon ay lagi akong pumupunta sa bukid ng aking ama.

Sa murang edad, natuto akong magtinda ng gulay na inaani ng aking mga magulang. Sumasama rin ako sa aking ina sa pagtitinda ng gatas ng kalabaw. Lahat ng aking kinikita ay ibinibigay ko sa aking lola. Ang lola ko naman ang nagbibigay ng baon sa akin araw-araw.

Taong 1988 ay naoperahan ako dahil sa appendicitis. Dito una kong nalaman ang aking pagkahilig sa relihiyon. Natatandaan ko pa noong ako ay hindi pa nag-aaral, ako ay hinanap ng aking mga pinsan at hindi nila ako matagpuan. Makalipas ang ilang oras ay natagpuan nila ako sa simbahan ng Señor de Burgos sapagkat naging ugali na namin noon na sa tuwing darating ang Sabado ay nagsisimba kami. Napansin ko kasi na hapon na ay hindi pa gumagayak ang aking mga pinsan kaya ipinasya kong mauna na sa kanila.

Naging miyembro rin ako ng choir ng Señor de Burgos noong ako ay grade six. Ako ang nanguna sa aming mga magpipinsan sa pag-aaral kung paano magdasal ng rosaryo. Ang mga kabataan sa amin ay naging hilig ang pagdarasal ng rosaryo lalo na noong panahong iyon ay wala pang kuryente sa aming lugar.

Ako ay nag-aral sa Burgos Elementary School Unit I, mula grade 1 hanggang grade 4 at ako ay nagkamit ng ikalawang karangalan at maging sa pagguhit ay nakilala ako, subalit nang ako ay lumipat sa Burgos Elementary School Main, ay hindi na ako nagkamit pa ng karangalan.

Buhay High School

Ako ay nag-aral sa Doña Aurora High School isang pribadong paaralan sa San Mateo. Dito nagpasimula ang aking hilig sa relihiyon. Natuto rin akong makisalamuha sa iba’t ibang tao. Dito rin ako natutong makipagkaibigan at makibagay. Tinatawag nila akong “father” sapagkat nang magtanong ang aking 1st year high school teacher na si Mrs. Sarita kung ano ang nais namin paglaki namin, ang sinabi ko ay nais kong maging isang pari. Maituturing ko ngang coincident o premonition ang nangyari sapagkat ang iginuhit kong pari ay isang Franciscan priest.

Ang unang pagsusuri sa relihiyon

Taong 1995, may pumasyal sa aming mga misyunero ng simbahan ng Mormons. Inanyayahan nila akong makinig sa gagawin nilang pag-aaral. Ako ay nagpasyang mag-aral sa kanilang relihiyon dahil sa kuryosidad sapagkat ang aking mga pinsan noon ay sumama na sa ibang relihiyon. Ako ay nabautismuhan sa relihiyon ni Mormon taong February 1995 subalit hindi ako nagtagal sapagkat ibang-iba ang kanilang mga seremonya na bilang batang bagong anib sa kanilang relihiyon ay hindi magugustuhan ang sistema. Hindi ko na rin napagtiisan ang kanilang mga kakatwang doctrina.

Ang ikalawang pagsusuri sa relihiyon

Dala ng panghihikayat ng aking kamag-anak at kababata noon, ako ay sumama sa relihiyon ng aking pinsan, ang Iglesia ng Dios kay Cristo Jesus, Haligi at Suhay ng Katotohanan (IDCJHSK) na dito ay higit akong naging masaya sapagkat ang mga kaanib ay matanda lamang ng kaunti sa aking edad. Dito ay nahubog ang aking pagiging isang tao dahil ako ay nasa panahong tinatawag na formative years. Naanib ako rito noong March 30, 1996. Pinag-aralan ko rin ang relihiyong ito, at gaya ng dati, mga kakatwang doctrina ang sumalubong sa akin gaya ng pagpapahaba ng buhok ng babae na hindi maaaring putulin. Ako ay nagtagal na aktibo sa samahang ito ng isang taong mahigit.

Taong 1998, ako ay nagtapos sa High School, kasabay nang aking tuluyang pag-iwan sa samahang ito.

Ang ikatlong pagsusuri sa relihiyon

Noon ay unti-unting sumisikat ang samahang Ang Dating Daan (ADD). Ang lider ng relihiyong ito na si G. Eliseo F. Soriano ay nanggaling rin sa relihiyong aking inaniban, ang IDCJHSK kaya ako ay nagkaroon ng interes na alamin ang kanilang paniniwala. Nagkaroon rin ako ng interes sa relihiyong ito dahil sa kakaibang uri ng panghihikayat niya ng mga tao na makinig sa kanya. Ito rin ang panahon na ako ay pumasok sa kolehiyo.

Taong 2009 naman ay pumanaw ang tanging kasama ko sa bahay, at taong nag-alaga sa akin na totoong ipinagdamdam ko ng lubusan ang kanyang paglisan, ang aking lola.


Buhay kolehiyo

Ako ay nagpasimulang mag-aral sa University of Rizal System sa Rodriguez, Rizal na dating tinatawag noon na Rizal State College. Kumuha ako ng Bachelor of Secondary Education major in Filipino, taong panuruan 1998-1999. Noon, ang paaralang ito ay nasa panahon pa lamang ng pagsisimula, kaya marami-rami akong mga subjects na nakuha na wala sa curriculum ng aking kurso (advance and extra subjects). Ako rin ay naihalal na College Supreme Student Council Peace Officer. Ako ang gumagawa ng mga batas o tuntunin para sa mga mag-aaral upang manatili ang kalinisan at kaayusan ng paaralan. Naging aktibo ang aking buhay kolehiyo sa pulitika. Nahirang din akong Board of Director ng Junior Graftwatch Unit ng Ombudsman sa URS sa panahon ni Hon. Aniceto Dicierto. Hinirang rin akong Vice President ng Institute of Education and Home Technology subalit ang totoo, ang gampanin ng pangulo ang aking ginagawa sapagkat ang pangulo noon ng aming institute ay isang graduating student. Ako rin ay naging aktibo pagdating sa akademiya. Naging bahagi ako ng URS inter-college competition sa larangan ng parliamentary procedure. Nagkamit rin ako ng mga parangal sa larangan ng pagsulat, balagtasan at iba pa. Naging higit na kilala ako sa paaralan nang ako’y nanindigan sa panig ng mga mag-aaral na sapilitang pinabibili ng uniform na ayon na rin mismo sa director ng paaralan ay hindi kailangan.

Pagiging manggagawa ng ADD

Dahil sa panawagan noon ng lider ng ADD, nagprisinta akong mag-aral sa pagkamanggagawa (ang counterpart ng isang manggagawa ay pari, ministro o pastor). Mas pinili kong magmanggagawa kaysa mag-aral sapagkat tanaw ko ang laki ng obligasyon ng isang manggagawa. Subalit hindi lamang pagkamanggagawa ang aking tungkulin sa samahang ito. Naging linya ko rin ang ministerio ng musika, pagtuturo, at iba pa. Inilihim ko sa aking mga magulang ang aking pagtigil sa pag-aaral. Ako ay nangangaral sa mga bundok, mga nayon at minsan ay lumalaban ng mga debate sa mga umpukan. Para maitaguyod ang aking pagkamanggagawa, nagbebenta ako ng mga sabon, tsinelas, patis at iba pang maaaring ibenta sapagkat ang manggagawa sa samahang ito ay walang sweldo. Natuto akong magbanat ng buto, magutom at umiyak sa hirap ng aking trabaho. Ang naging paniniwala ko nang mga panahong iyon sapagkat iyon naman ang itinuturo sa amin, ay malapit nang maghukom at sayang lamang ang aming gagawing pag-aaral. Palibhasa’y naghahanap lamang ako ng kapayapaan at makatugon sa layunin ng pagkakalikha sa akin kaya ako nagtitiis ng ganito sa samahang ito. Napansin ko na unti-unting nagiging katulad ng isang kulto ang samahang ito subalit hindi ko na idedetalye ang mga katuruang magpapakilabot at magpapatayo ng balahibo sa isang tao. Ako ay umalis sa samahang ito noong 2004.

Bilang Kaanib ng Iglesia ni Cristo

Ako ay naging interesado sa relihiyong Iglesia ni Cristo (INC) taong 2005. Ako ay inanyayahan ng isang ministro na dumalo sa kanilang pagsamba. Noon ay may malaking tunggalian sa relihiyon ang samahang Ang Dating Daan at ang Iglesia ni Cristo. Ako ay naging curious sa relihiyong ito. Noong panahong iyon, naituring kong kulto ang samahang Ang Dating Daan sa dami ng mga kakatwang aral na kanilang ipinatutupad. Maging ang paglaban sa asawa, sa magulang, sa mga anak alang-alang sa kanilang relihiyon ay itinuturo ng kanilang lider. Naisip ko noon na ang pinakamabisang paraan upang alisin ang aking mga kaibigan sa relihiyong iyon ay mailantad ko ang mga ito, at ako’y nagpasyang makipagtulungan sa Iglesia ni Cristo. Hiniling kong mabigyan ako ng kopya ng isang dokumentong ginagamit nila na kapag iyon ang nakita ng mga miembro ay maiintindihan nila ang layon ng aking pag-alis sa kanila. Dahil sa kuryosidad sa kanilang pananampalataya, ako ay nagpasyang mag-aral ng kanilang mga pangunahing turo. Ako ay kinapanayam ng kanilang mga ministro sa telebisyon at isa-isa kong inilahad ang kakatwang mga aral ng ADD. Dito ako nakilala ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, ang yumaong Eraño G. Manalo. Ako ay kanyang ipinatawag kasama ng iba pang kasamahan kong umalis sa ADD. Ako ang tumayong ponente o main host/anchor sa loob ng dalawang taon ng kanilang programang pantelebisyon.

Taong 2006 naman ay pumanaw ang aking ama sa sakit na Emphysema.

Pagkikita ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo

Kinikilalang pinakamataas na makapangyarihang tao sa mga mamamayang Iglesia ni Cristo ang kanilang Tagapamahalang Pangkalalahatan. Mas nanaisin pa ng isang kaanib sa INC ang mahawakan ang kamay ng Tagapamahalang Pangkalahatan kaysa ang makaharap ang presidente ng Pilipinas. Taong 2005, ipinatawag ako ng kanilang Tagapamahalang Pangkalahatan upang kamustahin. Dahil sa noon ay nahayag na ako sa telebisyon at patuloy ang mga pagbabanta sa aking buhay, minarapat kong tanggapin ang kanilang alok na manirahan sa kanilang pabahay. Binigyan ako ng trabaho bilang kawani sa New Era University at ako ay nadestino sa College of Nursing. Sa lahat ng aking mga kasama, ako lamang ang nailagay sa isang tanggapan. Kung hindi janitor o hardinero ay tauhan sa library ang pinaglagyan sa aking mga kasama. Sabi ng mga debatista ng INC, nakitaan daw ako ng kakaibang potensiyal ng kanilang Tagapamahalang Pangkalahatan. Itinuring akong anak ng Tagapamahalang Pangkalahatan at ako ay ibinukod ng tirahan na kahit ordinaryong ministro ay hindi nakapapasok sa lugar na iyon. Sinagot ng General Auditor ng INC ang aking pagkain sa araw-araw kaya’t hindi ako gumagastos ng anuman. Pinag-aral ako ng Tagapamahalang Pangkalahatan sa College of Evangelical Ministry ng Bachelor of Evangelical Ministry (BEM). Ito ay 5 taong kursong accredited ng Commission on Higher Education (CHED) na kinukuha ng sinumang lalakeng INC na nag-iibig maging ministro. Naging kaklase ko, si Angelo Eraño V. Manalo, ang anak ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan na si G. Eduardo V. Manalo.

Trabaho sa Tanggapan

Ako ay pumapasok sa College of Evangelical Ministry (CEM) at nagtatrabaho naman sa NEU. Ang nararapat na oras na dapat kong ipagtrabaho ay walong oras (8:00am-12:00nn, 1:00pm-5:00pm) subalit dahil sa ako ay pinag-aral ng Tagapamahalang Pangkalahatan ay tuwing Huwebes ng 1:00pm hanggang 5:00pm at Sabado 8:00am hanggang 12:00 ng tanghali lamang ako pumapasok subalit ako ay tumatanggap ng sweldo na tinatawag nilang “tulong” na gaya ng isang regular na empleyado na pumapasok nang walang liban. Ako po ay namalagi hanggang ikatlong taon lamang sa CEM sapagkat naging idealistiko ako noong panahong iyon at hindi ako totoong masaya sa ginagawa kong pag-aaral ng kanilang doctrina. Nagpasya akong mamalagi na lamang sa opisina.

Ako ang siyang nag-eedit ng mga exam para sa nursing students. Ako ang nagmomonitor ng mga grades, nagcocoordinate ng mga extension services ng tanggapan, ako rin ang kadalasang kumakatawan ng aming tanggapan sa lahat ng mga meetings and seminars at napakarami pang iba. Nakapagturo rin ako ng NSTP ng isang taon.

Ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo

Pagkaalis ko sa CEM noong taong 2008, ay muli akong nag-aral sa ICCT Colleges Foundation Inc. Ipinagpatuloy ko ang aking kursong BSE major in Filipino. Dito ay nakilala rin ako ng mga mag-aaral sapagkat ako ay nag-excel noon sa iba’t ibang asignatura hindi lamang sa aking major. Naging pangulo rin ako ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino. Subalit dahil sa ako ay patuloy na nagta-trabaho noon sa New Era University, ako ay napilitang mag-drop dahil sa memorandum na inilabas ng aming pangulo na hindi maaaring mag-aral ang sinomang kawani sa panahon o oras ng paggawa o pagta-trabaho. Iniugnay ko ang aking suliraning ito sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC at ako ay pinayuhang huwag nang mag-aral sa ICCT kundi sa New Era University na lamang ako mag-aral kahit pa daw umulit ako mula 1st year. Iminungkahi kong kaysa magsimula muli ako ng BSE, hiniling kong magpalit ng kurso (Bachelor of Science in Psychology) upang kahit papaano ay maraming ma-credit na mga subjects sa akin. Pinayagan naman ako subalit mayroong sa pangasiwaan na mapaglaro sa kapangyarihan. Nang ako ay nakaenrol na ay sinabi nilang isang semestre lamang daw ang pinapayagan sa akin kaya muli ay napilitan akong mag-drop upang huwag masayang ang aking ibinabayad sa paaralan, subalit nang ako ay magdrop na, pinatawag nila ako at muling pinayagan. Hindi na ako nagpatuloy pa sapagkat alam kong pabago-bago ng pasya ang mga kasalukuyang nangangasiwa at wala akong papel na maaaring matibay na mapanghawakang ng kanilang sasabihin. Kaya ako ay hindi na nagpasyang mag-aral pa kundi magtalaga na lamang sa pag-tatrabaho.

Mga Naging Kasintahan

Naranansan ko na rin ang magkaroon ng katipan gaya ng mga nakararaming kabataan. Noong ako ay nasa 1st year college sa University of Rizal System, dito ako unang nagkaroon ng kasintahan – si Rhea Catchuela. Sa aming paaralan, dala ng kabataan, ako ay nakipagkasintahan sa kanya at nagtagal lamang kami ng ilang buwan sapagkat noon ay nagtalaga na ako sa pagiging manggagawa ng Ang Dating Daan. Ang huli kong naging kasintahan ay si Jennifer Flores, tagapagturo ng mga ministro sa INC. Kami ay tumagal lamang ng 2 taon sapagkat noon ay nagpasya na akong umalis sa INC. Gayunman, sa maniwala man ang tao o hindi, walang nangyari sa aming sekswal dahil ang mga naging kasintahan ko ay mga konserbatibo at may takot sa Dios.

Ang Pagtawag ng Dios

Dahil sa bigong paghahanap ng kapayapaan at kapanatagan ng kalooban, taong 2011 ay nagpasya akong magkaroon ng self-reflection. Sinabi ko sa sarili ko na marami-rami na rin akong pinagdaanan sa buhay lalo na sa relihiyon at hindi ko lubos na matagpuan ang tunay na kaligayahan, kapayapaan at kapanatagan ng aking isip at kalooban. Kung pag-uusap ay pinansiyal, totoong sagana ako sa mga bagay na ito noong INC pa ako subalit hindi masaya ang aking kaluluwa.

Habang ako ay patuloy na nagbubulay-bulay, Linggo noon, hindi ko lang matandaan kung anong petsa pero bago dumating iyon ng Nobyembre 2011. Iyon ay sapagkat habang nagbubulay-bulay ako ay napanood ko sa telebisyon ang Sunday TV Mass. Nanariwa sa aking alaala ang aking hangaring maging isang pari na kung ako ay nagtalaga sa aking pangarap ay marahil ako ay isa nang ganap na pari ngayon. Pumunta ako nang palihim sa isang simbahan at nangumpisal. Pinayuhan ako ng pari na maging kawal ako ni Cristo sa kabutihan, ang Dios ang maglalagay sa puso ko ng mga mabubuting pagnanasa.

Ako at ang aking kasama na tinatawag kong “Ka Crispy” ay kinausap ng isa sa mga debatista ng INC at sinabing maging bahagi kami ng debating team at kami ay magbigay ng mga tanong tungkol sa kanilang doctrina na maaari nilang pag-aralan. Binigyan nila ako ng “Know the Truth Magazine: A Magazine to Defend the Catholic Faith” upang hanapan ng “maibubutas”. Subalit sa halip na ito ay aking “butasan”, ito ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang aking napiling bokasyon kaya sinikap kong makipag-ugnayan sa mga distibutor ng magazine at isa sa mga nakipag-ugnayan sa akin ay si Sis. Hariet Banzon, ang aking benefactor, isa sa mga member ng Holy Trinity Divine Healing Ministry.

Sinabi ko sa kanya na nais kong bumalik sa pagiging Catolico. Natatandaan ko na ang unang bagay na hiningi ko sa kanya ay isang rosaryo. Hindi naman niya ako binigo at pinadalhan niya ako pati ng aklat-dasalan. Ako ay muling nagrosaryo subalit palihim, sapagkat noon ay nakatira pa ako sa pabahay ng INC. Kinausap ko ang aking ina na kami ay umalis na sa pabahay ng INC para maging malaya kami sa aming pagsisimba. Subalit kahit na kami ay nakaalis na noong 2012 ay palihim pa rin akong nagsisimba sa Quiapo Parish Church, malayo sa aming tinitirahan at pinagta-trabahuhan sapagkat ako ay kilalang tagapagtanggol ng INC. Linggo-linggo ko tinitiis ang pagsisimba sa malayong lugar upang matugunan ko ang aking sagutin at kahit mahirap, ay napapalitan naman ito ng kapayapaan ng isip. Ang palihim na pagsisimba ay ginagawa ko hindi dahil sa ikinahihiya ko ang aking pagiging catolico o ang pangalan ni Cristo kundi sa paniniwalang mayroon pa akong mas maraming magagawa matangi sa mga ginagawa kong paglilingkod.

Pagbalik sa dating bayan

Taong 2012 ay nangupahan kami sa Burgos, Rodriguez, Rizal, kasama ang aking ina. Lalong lumakas ang aking pagnanasang maging isang pari. Muli akong nakipag-uganayan kay Sis. Hariet upang humingi ng tulong na ako ay maging isang pari. Natuwa siya sa aking pasya subalit alam kong higit na natutuwa ang Dios.

Ang Pagsubok sa Pagpasok sa Bokasyon

Hindi ko alam kung papaano ko matutugunan ang tawag na ito sa akin ng Dios. Lahat ng mga bagay ay imposible para sa akin. Alam kong pag-alis ko ng INC ay mawawalan ako ng trabaho at pera at ako’y hindi makakaipon. Alam kong mahal ang pagpapari. Subalit isang bagay ang hindi nawawala sa akin, ang pagnanasang maging isang pari. Ang isa sa lumaro sa aking isipan ay ang pagbenta ng aking minanang lupa mula sa aking ama. Subalit nang ipagtanong ko ay halagang P20,000.00 lamang maaaring ibenta ang lupaing iyon dahil sa liit.

Nakatanggap ako ng mensahe mula kay Fr. Cesar Malasa na nagsasabing hindi ako pinayagan ng “team” na makapasok ngayong taong ito sa seminaryo kundi isang taon pa ang nararapat na dumaan. Marahil ang inaakala ng team ay bagong binyagang catolico lamang ako. Nanlumo ako sa aking narinig subalit handa akong maghintay.

Makalipas ang ilang araw ay muli akong nakipag-ugnayan kay Fr. Cesar at sinabi kong kung hindi ako maaaring magpari ay mag-a-apply na lamang ako bilang janitor sa seminaryo. Sinabi niya sa akin na gumawa raw ako ng application letter. Ang akala kong liham na pinagagawa sa akin ay para sa isang job application. Kaya nang malaman kong tungkol sa pagpapari ang application letter na gagawin ko ay walang pagsidlan ang aking kasiyahan. Halos hindi ako makatulog ng gabing iyon at ako ay pinapupunta na sa seminaryo upang ipasa ang aking liham.

Ang unang pagbisita sa Seminaryo

Ako ay pumunta sa Seminaryo kasama ang isang lay minister upang ako ay samahan. Halos ayaw ko nang umuwi. Ako ay natuwa nang makita si Fr. Cesar. Hindi ko inaasahan na ako ay pakukuhain na ng pagsusulit o entrance examination. Habang nag-eexam, halos tumulo ang aking luha hindi sa galak kundi sa hirap ng pagsusulit na aking kinukuha. Gayunman, hindi nawawala ang pag-asa ko sa magagawa ng Dios at ng Espiritu Santo. Hiniling ko sa Panginoong Jesus na kung kalooban niyang maging pari ako ay ito ang hihingin kong tanda sa kanya gaya ng mga lingkod na Dios na humingi ng tanda sa Panginoon. Matapos ang pagsusulit, gabi-gabi akong nagsisimba sa Nuestra Señora de Aranzazu sa San Mateo Rizal upang hilingin ang aking pangarap na ito.

Ang Pagsagot ng Dios

Nakatanggap ako ng mensahe sa email mula kay Fr. Cesar at ako ay natuwa nang makita ko na may nakasulat na “letter of recommendation”. Gabi-gabi kong binabasa ang letter of recommendation dahil hindi ako makapaniwala na nakapasa ako sa entrance exam. Ito ang tandang hiningi ko sa Dios. Dahil sa pangyayaring ito, ako ay lubos na tumalaga sa paghahanda sa aking pagpasok sa bokasyong ito.

Pagsubok sa Panahon ng Paghahanda sa Bokasyon

Marami akong nakakausap na mga brothers o seminarians. Ako ay kanilang hinihikayat na sumama sa kanilang kongregasyon. Ang sabi nila, mahirap daw ang isang religious order lalo na ang Franciscan order. Hindi ko raw masusunod ang sarili ko at mawawalan ako ng kalayaan.

Ang tugon ko sa aking sarili, ito ang kalooban ng Dios na dumaan sa napakaraming karanasan lalo na ang tungkol sa pagpapasakop sa mga nangangasiwa sapagkat darating ang ganitong pagkakataon na ako ay pasasakop sa mga nangangasiwa sa akin at ako ay naniniwala na dito ako tinawag ng Dios sa bokasyong ito kaya anuman ang aking kasapitan ay magpapatuloy ako sa aking bokasyon.

Maraming nagsasabi sa akin na baka daw magbago na naman ang aking isip kung ako ay nasa seminaryo na subalit ang sagot ko, gaya ni Moises at ni Apostol Pablo, sila ay itinulot ng Dios na manggaling muna sa ibang pananampalataya upang kung sila ay mahubog na, ay magagampanan na nilang maigi ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila. Ganito ang aking pananampalataya. Ang aking mga pinagdaanan ay paghahanda ng Dios upang akong mapagtalagahang mabuti ang aking bokasyon anuman ang aking masalunga sa pagtupad ko ng aking sagutin sa Dios.

Sa ngayon, bunga ng aking pagsunod, nawalan kami ng tirahan, hanapbuhay. Halos lahat ay nawala, gayunman, isang bagay ang hindi nawawala sa akin, ang pananampalataya sa iglesia catolica, sa Dios at sa Panginoong Jesucristo at sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Ang paninindigan ko, mawala man ang lahat, huwag lamang ang bokasyong ito.

Nangangako ako sa Dios, sa pamamagitan ng Espirito Santo at sa tulong ng Panginoong Jesucristo, na ako ay pasasakop sa mga nangangasiwa sa akin, sa pangasiwaan ng Seminaryo at magtatanggi ng sarili. Magiging isang mabuting alagad ng simbahan hindi sa aking karangalan kundi sa karangalan ng Panginoong Dios.

Tulungan nawa ako ng Panginoon.

Ang inyong alipin sa Panginoon,

ALFIE J. ANGELES

No comments: