Matagal-tagal na ring katanungan ito sa mga kaanib ng INC™ ni Felix Manalo ukol sa kanilang pagpupumilit na NATALIKOD na raw na GANAP ang IGLESIANG TATAG ni CRISTO ngunit masyadong mailap ang mga kasagutan, maging sa kanilang mga opisyal na pahayag ay hindi nila ito tinangkang laliman.
May mangilan-ngilan lamang sa kanilang mga kaanib ang nangahas na sumagot sa katanungang ito tulad na lamang nito:
May mangilan-ngilan lamang sa kanilang mga kaanib ang nangahas na sumagot sa katanungang ito tulad na lamang nito:
Tama po naman ang kasagutan ni G. Owen. Ang TAO ang TUMALIKOD at HINDI ang IGLESIA. Sapagkat ang IGLESIA ay parang KAISA o "KABIYAK" ni Cristo (Efeso 5:22-33), kung saan si CRISTO ang ULO ng KATAWAN (Iglesia - Colosas 1:18).
Kung si Cristo pala ay ULO ng KATAWAN na siyang Iglesia, bakit naman matatalikod ang KATAWAN na hindi kasama ang ulo? Kung tatanggapin natin ang kanilang mga paliwanag na NATALIKOD na ganap na nga ang ORIHINAL na Iglesia ni Cristo, lalabas na si Cristo mismo ay bumalimbing at Siya na mismo ang tumalikod sa Iglesiang Siya mismo ang nagtatag.
Taliwas po sa sentido comon ang sasabihin nilang "natalikod na ganap" ang tunay na Iglesiang tatag ni Cristo at lumitaw itong muli sa kapanahunan ni Felix Manalo na itinuturing nilang "Huling Sugo" raw sa mga wakas ng lupa.
Lalabas na SINUNGALING si CRISTO. Lalabas na MANDARAYA si CRISTO. Lalabas na MANLILINLANG si CRISTO.
Ngunit alam naman natin na HINDI sinungaling si Cristo, hindi mandaraya at hindi manlilinlang. At kung HINDI nga naman sinungaling ang ating Panginoong Jesus, hindi mandaraya at hindi manlilinlang, samakatuwid si FELIX MANALO ang singungaling, mandaraya at manlilinlang sapagkat siya ay gumawa ng kwentong barbero na hindi sinasang-ayunan ng kahit isang saknong ng Biblia at walang nakasulat na patunay mula sa pahina ng mga aklat-kasaysayan.
Ngayon, ayon sa sagot ng kanilang kaanib na TAO ang TUMALIKOD, lalabas na patama ito sa kanilang 'Huling Sugo' sapagkat si Felix Manalo ang TUMALIKOD at hindi ang tunay na IGLESIA ni Cristo noon pang unang siglo, at iyan ay ang IGLESIA KATOLIKA (PASUGO Abril 1966, p. 46).
Ayon sa Wikipedia, si Felix Manalo ang TUMALIKOD sa Iglesia Katolika na sa "pasimula ay siyang Iglesia ni Cristo."
Kaya't ang KATUPARAN ng kanilang mga pahayag na NATALIKOD na ganap ang TUNAY na Iglesia ay bumalik kay Felix.
Dahil si Felix Manalo ang tumalikod at hindi ang Iglesia, lalabas na si Felix ang siyang nandaya, nagsinungaling at nanlinlang sa kanyang mga kaanib at hindi si Cristo.
Bilang pangwakas, ating balikan ang mga pangako ni Cristo ukol sa kanyang iglesia at sa mga apostol ay ganito:
HINDI MANANAIG ANG KAPANGYARIHAN NG HADES (hindi matatalikod ninoman)
"Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."
IINGATAN ANG IGLESIA NG DIYOS HANGGANG SA WAKAS NG PANAHON (hindi iniwanan ni Cristo ang Iglesia at hindi ito matatalikod sapagkat Diyos ang mag-iingat sa kanyang tatag na Iglesia).
"Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon."
Kaya't ano pang hinihintay niyo? Halina't bumalik na sa TUNAY na IGLESIA NI CRISTO-- ang NAG-IISA, BANAL, AT APOSTOLIKANG IGLESIA KATOLIKA!
No comments:
Post a Comment
Comments are posted only when you properly identify yourselves.