ni Robert T. Poblete noong Huebes, Pebrero 9, 2012 at 11:37am ·(Salamat kay P. Abe Arganiosa sa kanyang The Splendor of the Church blog.
Reading: Ruth 1:1-18
Ang Banal na Sakramento |
Sa buhay-katoliko ko po ay mayroon ding mga “Naomi”, mga Katoliko na nagpadamang pagkalinga at pagmamahal sa akin.
Ako po ay. bininyagan sa Simbahang Katoliko noong Dec. 25, 1987. Ang amin pong pamilya ay Katoliko. Pero kinalaunan nagpa-convert sa born-again ang pamilya namin. Una ang aking ate, sunod ang aking tatay at ang pangalawa kong ate at sa huli ay ako, na kasa-kasama na sa simbahan ng born-again noong bata pa lang. Ang nanay ko naman po ay hindi agad lumipat sa born-again dahil na rin sa napasama siya sa mga espiritista. Sa paglaki ko tinuruan ako ng tatay ko at ng mga mga ate ko ng pananampalatayang born-again, kung paanong magbasa ng Biblia, magdasal ng walang kinakabisang panalaningin, kumanta ng mga papuring awit, at mangaral.
Noon aktibo ako sa music ministry, theater arts ministry, evangelism, bible study, prayer meeting at marami pag mga activities sa simbahan ng mga born-again. Sa pagiging aktibo ko halos dito na umiikot ang mundo ko. Noon hindi ko tinuturing na Cristiano ang mga Katoliko dahil sa kinalakihan kong aral na ang mga Katoliko daw ay sumasamba sa mga rebulto, kay Maria, at sa mga santo. At marami pa akong naging maling akala tungkol sa turo ng Simbahan.
Nang mag-college ako hindi pa rin nawala yung pagnanais na mangaral. Kumuha ako ng course na Industrial Engineering. Kasama sa mga activities ko sa pag-aaral ay ang bible study at evangelism. Dahil masyadong pahirap para sa akin ang mathematics, nagpasya ko na magpalit ng course. Kumuha ako ng course na Philosophy sa kadahilanang marami akong tanong na gustong masagot sa buhay. Sa paglipat ko ng course medyo na-culture shock ako dahil sa karamihan sa mga classmate ko eh pilosopo. Hindi umuubra yung pangangaral ko. Pero sa paglipat ko sa course na ito may natagpuan naman akong maganda. May nakilala akong babae, active siya sa catholic charismatic group. Na-attract ako sa kanya at naging crush ko siya. Pero dahil nga Katoliko siya, inisip ko na hindi siya Cristiano at kailangan niya si Jesus sa buhay niya. Sa mga dahilang iyan nag-evangeligaw ako, evangelism na may kahalong panliligaw. Naging close kami at kinalaunan ay sinagot niya ako.
Isa siyang mabait na babae. Active sa mga gawain sa Simbahan. Mahilig din siya sa mga bata kaya malapit din sa kanya ang mga bata. Malapit din siya sa pamilya niya, at maski sa aming pamilya ay magaan ang loob sa kanya. At itong mga katangian na ito ang naging dahilan kung bakit lalo ko siyang minamahal.
Kamuntik ko na siyang ma-convert sa born-again. Pero may ginamit ang Panginoon para manatili siyang Katoliko at ako naman ay magbalik. May isa kaming kaklase na dating born-again at nag-convert sa Katoliko. Hinamon niya kami na pag-aralan ang kasaysayan ng Simbahan, at ng Biblia. At ginawa naman namin. Ilang bagay na nakakagulat na natuklasan namin ay ang Simbahang Katoliko ay itinatag ng Panginoong Hesus at ang Biblia ay Binuo ng Simbahang Katoliko. At mga natuklasan naming ito ng mahal kong girlfriend ang nagtulak sa kanya na manatiling Katoliko at ako naman ay magdesisyon na balikan ang pagiging Katoliko.
Minsan, panahon ng Kwuresma nag-desisyon ako na pumunta sa kumpisalang bayan, dahil na rin sa pag-encourage sa kin ng gf ko na magkumpisal kung gusto ko magbalik sa Katoliko. Dinala niya ako sa parokya nila at ipinakilala sa kanilang butihing Parish Priest. Marami akong tanong na sinagot niya. At malaki ang naging papel niya sa pagbabalik ko sa Simbahan. Gustong gusto siya ng mga parokyano niya. Magaan ang loob at malapit sila sa kanya. Mabait rin siya sa akin kahit alam niya na protestante ako. Pinagtuunan niya ng pansin na sagutin ang mga tanong ko kahit may pagka-busy ang schedule niya. Naglaan siya ng oras para sa isang taong dating “anti-Catholic” para muli akong makalik sa Simbahang dati ko nang iniwan at tinuligsa. Sa parokya nila ako unang nag-PREX, class no.5 pero di ko natapos dahil di ko maintindihan dahil hindi pa buong buo ang pagbabalik loob ko sa Katolisismo. Pero may ilang bagay akong natutunan tungkol sa pananampalatayang Katoliko dahil sa PREX na ito kahit di ko natapos.
Sunod naman ay ang magkasama naming paghahanap ng girlfriend ko ng Catholic organization sa PUP, at natagpuan namin ang PUP Campus Ministry, at nakilala namin ang mga Ministers at ang butihing Chaplain. Malaki rin ang naitulong nila sa paglago namin bilang Katoliko. Lalo na ang mga misa, recollection, retreat at mga prayer meetings. Dito, unti-unti kong naintindihan ang mga turo ng Simbahan. Unang beses ko pa lang na pagpunta sa opisina ng Campus Ministry naramdaman ko agad na welcome ako. Yung Campus Minister naglaan ng oras para makinig yung kwento namin ng gf ko, kung saan ako galling, paano kami nagkakilala, paano muntik ma-convert sa born again ang gf ko, paano ko bumalik sa pananampalatayang Katoliko at kung paano kami napunta sa opisina na yon. Mula noon, doon na ako nag-serve. Doon ko nakilala ang mga estudyante Katoliko na namumuhay na mga tunay na Kristiyano at may pag-ibig kay Kristo. Isang pamilya ang nakilala ko sa grupo na ito. Masaya kami sa samahan namin at sa mga activities namin. Kahit wala na ngang kinalaman sa gawain ng Campus Ministry mas madalas na kami pa rin ang magkakasama. Ang aming chaplain naman ay naging parang tatay na sa akin na laging handang makinig at magpagayo sa akin. Sa kanya ako nagkukumpisal noon kapag may kasalanang mortal akong nagagawa. Lagi niya rin kaming kinukumusta ng gf ko tungkol sa aming relasyon.
Noong mga panahon na iyon, hindi ko pa nagagawang iwan ng buong buo ang simbahan ng born-again na kinalakihan ko. Kaya ang nangyari ay simba sa Katoliko, simba sa born again ang ginagawa ko. Hindi ko naman itinago ang aking pananampalatayang Katoliko kaya nahalata ito ng mga born-again. Isang beses na nagsimba ako, nasa may pintuan pa lang ako ng simbahan eh kinausap na ako ng isa sa mga board of trustees. Napag-usapan daw sa meeting na i-ban ako, dahil nakakagulo daw ng isip ng ibang umaattend. Wag daw ako mamangka sa dalawang ilog. Kung Katoliko, katoliko lang. Kung born-again, born-again lang. Sabagay may punto nga naman sila. Nung marinig ko ito, parang binuhusan ako ng malamig na tubig. At medyo nahirapan akong tanggapin na itinakwil na ako ng simbahang kinalakihan ko. Ang pangyayaring ito, sa mga kasama ko rin sa Campus Ministry ikunwento. Sa kanila ko inilabas ang sama ng loob na naidulot nito sa akin. Pero ang pamilya ko sa Campus Ministry ang nagpuno ng mga bagay na nawala sa akin ng itakwil ako ng dati kong itinuturing na pamilya.
Pero kahit papano, tila ba naging isang paglaya para sa akin ang kanilang ginawa. Noon kasing pinagsasabay ko ang dalawang simbahan, medyo alangan ako pag pumapasok sa simbahan ng Katoliko, baka kasi may makakita. Pero nung ginawa nila ang desisyon na yun, naging handa na ko kung panindigan kung may makakita man.
Mula noon, nagdesisyon akong maghanap ng organisasyon sa parokya, at sa tulong ng isang kaibigan at kasama sa Campus Ministry natagpuan ko ang Legion of Mary, Ark of the Covenant dito sa Baste. At dahil sa kanila nakapagPREX ulit ako dito, Class no.2. Malaki rin ang naitulong ng Legion of Mary sa aking pagbabalik sa Simbahan. Yung Legion of Mary ang nagpa-Kumpil sa akin, para maging sundalo ni Cristo. Yung dati kong kasamahan sa Campus Ministry na nag-recruit sa akin sa Legion of Mary ang naging ninang ko sa Kumpil at isang kasamahan sa Preasidium ang ninong. Kahit meron na akong dating devotion sa Mahal na Ina noong nasa Campus Ministry pa lang ako, lalo pa itong napatatag noong napasali ako sa Legion of Mary. Sama-sama kaming nagro-Rosaryo tuwing meeting at may mga activities kami para lalong tumatag ang aming pagmamahal sa Mahal na Ina at lalo na sa Panginoon.
Dahil pinag-PREX ako ng mga kasama ko sa Legion of Mary, isang malaking pamilya na naman ang natagpuan ko, ang PREX family. At ngayon andito sa inyong harapan at ibinabahagi ang aking karanasan sa pagbalik sa ating Simbahan dahil sa tiwala at prebilehiyong ibinigay sa akin ng PREX family.
Yung girlfriend ko naman, member pa rin siya ng Catholic Charismatic group sa kanilang parokya, at noong minsang nagkaroon ng Catholic Life in the Spirit Seminar, binigyan nila ako ng prebilehiyo na magkapag-talk ng Mariology. Isang malaking karangalan na mapagkatiwalaan na magsalita tungkol sa Inang Maria, ang ipakilala ang Diyos sa pamamagitan niya. Siya ang inang hindi ko dating kinilala pero ngayon ay akin nang ipinakikilala. Noon siya ay aking tinutuligsa, noong ako ay nasa born again pa, pero ngayon siya ay akin nang minamahal. Dati itinapon ko sa kanal ang unang rosaryo kong natanggap, pero ngayon sa awa at biyaya ng Diyos ako ay nagrorosaryo na at ipinakikilala sa mga tao ang debosyon na ito At alam ko na siya ang gumabay sa akin pagbalik sa Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus upang matanggap ko ang Panginoon sa Banal na Misa, matanggap ang kanyang Katawan at Dugo. At siya rin ang patuloy na gumagabay sa aking paglalakbay sa pananampalataya.
Ang aking pamilya naman sa ngayon ay tanggap na ang aking pagbabalik sa Simbahan. Noon hirap silang tanggapin ito, lalo na ang aking ama. Ang akala nila dahil lang sa pagmamahal ko sa gf ko kaya ako bumalik sa pagkakatoliko. Pero ang totoo, dahil sa pagmamahal ko sa Diyos at kay Kristo kaya ako bumalik sa pananampalatayang ito. Nagpapatuloy pa rin ang aking ama at dalawang ate sa pagsisimba sa born again hanggang ngayon, pero patuloy pa rin akong nananalangin at umaasa na makakabalik sila tulad ng pagbalik ko sa Simbahang Katoliko. Wala akong anumang pagsisisi sa naging desisyon ko na ito kahit naging masakit para sa akin at sa aming pamilya ang naging desisyon na ito. Ito ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko sa buhay. May pamilya ako dito sa lupa at meron akong isa pang malaking pamilya, ang SImbahan. Ang Diyos ang aking Ama, si Maria ang aking Ina, Ang Panginoong Jeus-Cristo, ang mga santo at kayo ang aking mga kapatid.
Ngayon, ang aking paglalakbay ay patuloy pa rin, sakay ng Arkong ito, ang Simbahang Katoliko, tulad ng Arko ni Noa, ako ay naglalakbay patungo sa Diyos kasama ang mga Kapatid nating Katoliko dito sa lupa at sa purgatory. At siyempre ginamit ng Diyos ang aking mahal na kasintahan, ang Mahal na Ina at ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya bilang Naomi sa buhay ko, at ako naman si Ruth.
Pagpalain tayo ng ama, anak, espirito santo. Hindi nakukuha ang pananampalataya sa ibat-ibang relihiyon, kundi paano natin makikilala ang banal na diyos na si jesus na nagkatawang tao para maihayag ang mabuting balita para sa atin, namatay at nabuhay muli. yun ikaw, nabuhay muli ang pananampalataya, sa pagkataong ito pinatunay ito ng ating ama na si jesus upang iparating pa sa ating mga kapatid ang pagmamahal na kanyang patunay upang ipalaganap ang mabuting balita.
ReplyDeleteMaraming salamat sa iyong mga komento... pagpalain nawa tayo ng Dios!
ReplyDelete